#htmlcaption1 Go UP! Pure Javascript. No jQuery. No flash. #htmlcaption2 Stay Connected

Ukol sa Pagpasa ng Responsible Parenthood Bill sa Ikatlong Pagbasa sa Senado at Kamara de Representates

Muling pinatunayan ng ating lehislatura ang kakayahan nitong itaguyod ang pangangailangan ng taumbayan—lalo na ng mga kababaihan at ng pamilyang Pilipino-- sa matagumpay na pagkakapasa ng Responsible Parenthood Bill sa ikatlo at huling pagbasa. 

Taos-puso tayong nagpapasalamat sa mga Senador at Kongresistang pumanig sa pagbibigay ng sapat na impormasyon at kalinga sa mga Pilipino. Lubos tayong nagpapasalamat kina Speaker Sonny Belmonte at Majority Floor Leader Boyet Gonzales; kay Congressman Edcel Lagman na nagpanukala at buong-tiyagang nagpastol ng batas na ito nang mahigit isang dekada sa Kamara; gayundin kay Senador Pia Cayetano na dumaan din sa matinding pakikipagsapalaran sa Senado. Lalo pong luminaw: Kakampi na ng taumbayan ang estado sa pagtataguyod ng kaniyang pamilya sa patas at matiwasay na paraan.

Gaya ng binanggit ng Pangulong Aquino, sinundan ng ating mga kinatawan sa senado't sa kamara ang kanilang konsensya; hindi sila nagpatangay sa agos ng pulitika. Naging mainit at marubdob ang talakayan ukol sa panukalang batas na ito, lalo na sa Kongreso. Sa kabila nito, buong-karangalang hinarap ng marami sa ating mga mambabatas ang tungkuling magpanday ng isang batas na tunay na tutugon sa mga pangangailangan ng mamamayan.

Ang pagkakapasa ng Responsible Parenthood Bill ay hudyat, hindi lamang ng pagbubukas ng bagong kabanata tungo sa ating agenda ng malawakang pag-unlad, kundi maging ang paghihilom sa mga sugat na dulot ng masiglang proseso ng ating demokrasya. Nananalig tayo na magpapatuloy ang makabuluhan at positibong ugnayan ng mga sangay ng pamahalaan.

Nawa’y magbuklod tayong lahat, sa ngalan ng kinabukasan ng bansang mahal nating lahat.

No comments:

Post a Comment